Short story submitted

Maikling Kwento: Regalo

Inalog ko ang baryang matagal nang nakaimbak sa bulsa ng aking kupas nang pantalon habang nakadikit ang aking mukha sa salamin sa labas ng tindahan ng mga laruan. Sumimangot ang aking mukha nang makita ang nakatayong karatula ng presyo. Inalog ko ulit ang aking bulsa, kinapa ang kakaunting barya sa isang araw kong pagtitinda at paglalako ng dyaryo at sampagita malapit sa simbahan.

Nakabenta ako ng marami ngayong araw na ito. Subalit ang hilaw na tunog ng baryang inalog ko ay hindi ata kakasya sa singkwenta pesos na nakasulat sa karatula ng mga laruang kanina ko pa minamasdan.

Idiniin ko nang maigi ang nakadikit kong mukha sa salamin upang makita nang maayos ang mga makukulay na laruan. Siguradong matutuwa si Jun-Jun sa mga matitingkad na pula, berde, asul at dilaw na kulay sa laruang sasakyan at baril-barilan. Huminga ako ng malalim.

Kasabay ng aking pagbubuntong-hininga ay ang paglapit sa akin ng isang seylsleydi at nag-akmang paaalisin ako. Binitawan ko ang barya sa aking bulsa, inilayo ang mukha sa papalapit na babae mula sa tindahan, at humakbang ng ilang apak papalayo. Iniwan ko ang pagbabaka-sakali ng aking isipan.

“Sa susunod nalang siguro,” bulong ko sa sarili. “Balang araw, mabibili rin kita.”

Humakbang na ako palayo sa tindahan. Kitang kita ko parin ang karatula ng presyo . Sa di kalayuan, nakita ko ang isang tumatakbong lalaking nakaitim at may takip sa mukha na papunta sa akin.

Mabilis akong umilag ngunit huli na nang mabangga niya ako at tumilapon kami sa daan. Nabitawan niya ang binibitbit na maitim na bag dahil sa pagmamadali niya.

Tumayo akong masakit ang kaliwang paa. Paika-ikang tumayo at nang makatayo’y pinagpag ang sariling kupas na pantalon. Sa sandaling iyon, nakita ko ang isang pulis at isang matabang babae patungo sa aking kinaroroonan.

“Bata, may nakita ka bang isang lalaking may dalang bag at tumatakbo patungo rito?” Tanong sa akin ng pulis.

“Opo,” ang maigi kong sagot. “Lumiko po siya rito.” Sabay turo sa eskinitang pinagtakbuhan ng lalaki. “Naiwan niya itong bag dahil nagkabanggan kami kanina.” Inabot ko ang bag sa pulis.

Pagkakita sa bag ay agad akong niyakap ng matabang ale. Tinungo naman ng pulis ang itinuro kong daan.

“Isa kang angel!” Tuwang tuwang sabi ng ale habang hawak-hawak ang bag. “Ano ba ang pangalan mo?” Tanong sa akin ng ale.

“Valdwin po.” Ang magalang kong sagot.

“Heto ang pagpapasalamat ko sa iyo. Kung hindi dahil sa iyo hinding-hindi ko makukuha ulit ang bag ko.” Iniabot ng ale ang perang papel sa akin. Nanlaki ang aking mata nang abutin ko ang singkwenta pesos galling sa ale.

“Tanggapin mo ang pagpapasalamat ko.” Sabi ng ale habang ginugulo ang aking buhok.

“Sa-salamat po.” Ang tuwang tuwa kong sagot.

Bumalik ako sa tindahan. Inayos ko ang buhok ko’t ipinagpag ang pantalon. Sa isang saglit ay bitbit ko na ang laruang sasakyan na may ibat-ibang kulay. May ngiti ang aking labi. Nagmamadali na akong umuwi.

“Saan ka nanggaling, anak?” Ang salubong na tanong sa akin ni Inay pagkarating ko sa bahay. “Nag istambay ka na naman ba doon sa tindahan ni Aling Betty?”

“Opo, madali po kasing naubos ang mga paninda ko.” Sagot ko kay Inay habang tinutungo aking kwarto kung saan mahimbing na natutulog si Jun-Jun.

Maayos kong inilapag ang laruang sasakyan sa lamesa katabi ng kamang kanyang tinutulugan. “Maligayang ikaapat na kaarawan, mahal kong kapatid.” Bulong ko sa kanya sabay halik sa kanyang noo.

“Halika na rito anak at maghapunan ka na.” Sabi ni Inay.

“Opo Inay.” Sagot ko. “Maligayang kaarawan ulit.”May ngiti ang aking mga labi.

****

About this Short Story

This short story (Maikling Kwento) was submitted by Valdwin Jay Dapin, a graduate of Bachelor of Science in Elementary Education, Western Mindanao State University, Zamboanga City.

Want to submit a pieces like this? Just comment below or give us a ping on Facebook or read the submission page here.

Receive free life-tips and motivations for free!

Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

Speak out! Share your views and spread good vibes...